"Bakbakan"
written by JondelLijares
Umaalingawngaw sa loob ng hospital ang mga putok ng baril na galing sa loob ng ICU. Nag-panic ang lahat. Hangos kaagad ang dalawang security guard sa ICU.
Parehong naglu-load ng bala sina Victor at ang babaeng killer nang datnan ng dalawang security guard.
"Tigil!" ang sigaw ng unang security guard.
"Ibaba niyo ang inyong mga baril!" ang sigaw naman ng ikalawang security guard.
"Pulis ako!" ang balik sigaw ni Victor sa dalawang security guard kasabay pakita ng kanyang badge.
Tagilid, ang nasa isip ang babaeng killer. Tatlo na ang kanyang kalaban. At posible pang dumami. Dahil sa mga oras na iyon, tiyak meron nang tumatawag sa pinakamalapit na presinto upang humingi ng tulong sa mga pulis.
Gayunman, nanlaban pa rin ang babaeng killer. Sa katunayan, nagawa pa nitong itumba ang dalawang security guard bago tuluyang nakapuslit.
Pero, hindi papayag si Victor na tuluyan itong makatakas. Hinabol niya ito.
Sa fire exit, minsan pang nagkaputukan ang dalawa. Nang muling maubusan ng bala, muling nagpang-abot ang dalawa, muling nagkasukatan ng lakas at kaalaman sa martial arts. Nagkandagulung-gulong at nagkandahulug-hulog ang dalawa sa bakal na hagdanan. Pero, tuloy pa rin ang upakan. Kunwari ay hindi iniinda ng mga ito ang sakit ng sipa at suntok na tinatamo mula sa isa't-isa. Kunwari ay balewala lang sa mga ito ang mga bukol at pasa. Tila ba mga bakal ang katawan.
Nagkasukatan ng lakas at kaalaman sa martial arts ang dalawang magkatunggali, si Victor at ang babaeng killer. Kahit nagkandagulung-gulong at nagkandahulug-hulog ang mga ito sa bakal na hagdanan, tuloy pa rin ang upakan.
Nang marating ng mga ito ang ibaba, tinakbo ng babaeng killer sa parking lot ang kanyang 2015 Lamborghinni na kulay itim, tinakbo rin ni Victor sa parking lot ang kanyang Ford Mustang na kulay pula.
Sa paghahabulan, nakarating ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng Lacson Street. Manaka-naka ay naggagantihan ng paisa-isang putok ang nakalulan. At ewan ba naman kung bakit nang mga sandaling iyon ay wala man lamang ang mga itong nakakasalubong kahit isang patrol car ng pulisya. Maliban sa mga behikulo na walang tigil sa pagyayao't sa mga lansangan, mangilan-ngilan lamang at halos puwede mo ngang bilangin sa iyong mga daliri.
Mayamaya ay nasa Mandalagan na ang dalawang sasakyan, saglit pa ay nasa bangga pepsi na, hanggang tuluyan nang nakalabas ang mga ito sa Bacolod na papuntang Talisay.
Tuloy pa rin ang tugisan ng dalawang sasakyan. Tuloy pa rin ang pagpapalitan ng putok. Basag-basag na ang windshield sa unahan ng Ford Mustang ni Victor, basag-basag na rin ang windshield sa hulihan ng 2015 Lamborghinni ng babaeng killer.
"Talagang hindi ako titigilan ng animal na ito!" ang bulong ng babaeng killer sa sarili habang nakatingin sa rearview mirror ng kanyang sinasakyang Lamborghinni. " Malapit na akong maubusan ng gasolina! Malamang nito, kapag nagkaganoon, masasakote ako ng lintek na ito!"
Panay ang pagkakaapak ng babaeng killer sa accelerator, at si Victor naman ay ganoon din. Pero hindi magkaiwanan nang malayo ang dalawang sasakyan na halos pareho lang ang tulin.
Sa dakong unahan, isang pagkatalim-talim na kurbada. Isang makahulugang ngiti ang sumilay sa labi ng babaeng killer. Bigla itong tinadyakan ang preno. Bitbit ang isang telescopic rifle, kaagad itong humarap. Inasintang mabuti ang tatargetin, ang isang gulong sa unahan ng humahabol na sasakyan.
"Sige pa! Konting lapit pa!" ang sabi ng babaeng killer sa sarili.
Kulang sa trayenta metrong layo, pinisil ng babaeng killer ang gatilyo ng hawak ng telescopic rifle.
Flat Tire!
Gumewang ang Mustang ni Victor. At sa tulin ng kanyang pagpapatakbo, bagaman at nagawa pa niyang tadyakan ang preno bago pa niya nagawang kabigin nang pakaliwa ang manibela ay sumalpok na siya sa isang poste sa gilid ng highway.
At bago pa man siya nakababa, mabilis nang naglaho sa matalim na kurbadang iyon ang sasakyang kanyang hinahabol.
Hinayang na hinayang ang sabi ni Victor sa sarili.
itutuloy...
Posted at Monday, August 3, 2015
"Sagupaan"
written by Jondel Lijares
Si P/Inspt. Victor Reyes ang kanyang nakita na nakakuwadrado sa pintuan ng ICU, hawak ng dalawang kamay ang isang magnum 357.
Kung gugustuhin niya, kahit sa pagkakataong iyon ay puwedeng -puwede na niyang pasabugin ang ulo ni Mayor Benedicto. Isang kalabit lang sa gatilyo, isang bala lang iyon at tapos na ang kanyang misyon. Pero kaagad din naman niyang naisip, na oras na gawin niya ang ganoon ay tiyak na hindi na rin siya bubuhayin ng asintadong pulis.
"Ibaba ang baril mo!" ang utos ni Victor.
Napilitang ibaba niya ang kanyang baril.
"Itaas mo ang kamay mo!"
Kumilos nga siya, itinaas ang dalawang kamay.
Alerto, buong ingat, at dahan-dahan itong nilapitan ni Victor ang babae. Ang balak ni Victor, poposasan niya ang babaeng killer na nagpapanggap ng duktora, dadalhin sa presinto, iimbestigahan at kukuwestiyunin kung bakit gusto nitong iligpit si Mayor Benedicto.
Pero iyon lang pala ang pagkakataong hinihintay ng babaeng killer. Isang malakas na siko ang pinakawalan nito, yanig sa dibdib ni Victor at barandal sa tapat na kama ni Mayor Benedicto, nabitiwan ang hawak na magnum 357 at posas. Pero kaagad ding nakabangon.
"Gusto mo akong subukan?" ang naghahamong sabi ni Victor. " Puwes magkakasubukan tayo!"
"Pagbibigyan kita!" ang matapang ding naghahamong sabi ng babae.
Manu-manong bakbakan ang sumunod nang mga oras na iyon. At Palibhasa ay parehong martial arts expert ang dalawang magkatunggali, nagmistulang kickboxing arena ang loob ng ICU.
Suntok, sipa. Depensa, opensa. Kapag nasasapol si Victor, nasasapol din ang babae. Kapag humahagis at bumabarandal si Victor, humahagis at bumabarandal din ang babae.
Matira ang matibay sa labanang iyon. Galing sa galing ang pinag-uusapan. Bawat isa ay hindi magpapatalo, bawat isa ay hindi magpapalupig.
Hindi makapaniwala si Victor na isang killer ang kanyang nakalaban, dahil sa maganda ito. Ang totoo niyan ay nahihirapan siyang idepensa ang kanyang sarili, talagang magaling sa martial arts ang babae.
Bagama't napakagandang babae ay talo pa ang tinig ng isang maskuladong lalaki. Naglilintugan ang mga braso at binti nito. Puro muscles. Sa kaanyuang iyon, masasabing ito ay isang babaeng barbelista.
Kaagad natumbok ni Victor na ang babaeng kanyang kaharap at ang babaeng suspek sa naturang pagsabog sa opisina ni Mayor Benedicto ay iisa lamang. Tandang- tanda pa niya ang mukha ng babae na kuha ng CCTV, ito din ang babaeng kanyang tinutugis ngayon.
Kapag humahagis at bumabarandal si Victor, humahagis at bumabarandal din ang babaeng killer. Matira ang matibay. Bawat isa ay hindi magpapatalo, bawat isa ay hindi magpapalupig.
Hanggang naispatan ng babae ang kanyang desilencer na 9mm pistol, at naispatan din ni Victor ang kanyang magnum 357, halos kasabay ang dalawa na dinamba ang kinaroroonan ng kani-kanilang sandata, at halos kasabay ding nadampot.
Nagkatutukan ang dalawa, hanggang nagkaputukan.
itutuloy...
Posted at Saturday, August 1, 2015
"Ang Tatlong Pulis"
written by Jondel Lijares
Nasa Intensive Care Unit pa rin si Mayor Benedicto. Kritikal pa rin ang kanyang kalagayan. At walang katiyakan kung kailan ito magkakamalay.
Tatlong pulis ang naatasang magbantay kay Mayor Benedicto sa hospital nang gabing iyon.
"Dito lang muna kayo. Pupunta lang ako ng CR." ang pagpapaalam ni Purtos sa dalawa niyang kasama.
Beyinte minutos ang matuling lumipas, di pa bumalik si Purtos sa kanyang mga kasama. Si Rivero ay kinakabahan na at kinukutuban pa nang hindi maganda.
Singko minutos pa ang matuling lumipas. Wala pa rin si Purtos. Pasama na nang pasama ang kutob ni Rivero, hanggang napilitan na itong hanapin si Purtos, at naiwang mag-isa si Garcia sa labas ng ICU.
Pumasok si Rivero sa CR, hinanap niya si Purtos sapangkat wala roon.
Naisipan niyang buksan ang isang cubicle, wala rin doon.
Sa ikalawang cubicle, wala pa rin.
Sa ikatlong cubicle, may napansin ito sa toilet bowl. Mga patak ng sariwang dugo.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang puluhan ng caliber 45, bigla itong pinagpawisan sa noo. Hindi niya tiyak kung ang mga patak ng dugong iyon ay dugo ni Purtos, pero parang may boses na nagsasabi sa kanya na tama ang kanyang kutob, na nadale o nadisgrasya ang kanyang kasama.
May narinig siyang malakas na lagaslas ng tubig. May nag-flush ng toilet bowl sa ika-apat na cubicle. Walang sabi-sabi, ubos lakas nitong tinadyakan ang pintuan niyon. Natanggal ang sabat sa loob, puwersahang nabuksan. Pero pag-igik na lamang ang tanging nagawa ni Rivero sapangkat dalawang magkasunod na buga ng desilencer na 9mm pistol ang mabilis na sumalubong sa kanyang dibdib, humagis itong may malaking bulwang sa kanyang likod.
Bago tuluyang nalagutan ng hininga si Rivero sa nanlalabo nitong paningin, habang kikisay-kisay sa pagkakahandusay sa flooring, nasulyapan pa nito sa ilalim ng lavatory si Purtos. May tama ito sa ulo, dilat na dilat ang dalawang mata, at wala na nang buhay.
Samantala, panay sulyap ni Garcia sa suot na divers watch. Hindi pa rin kasi bumabalik ang dalawa niyang kasama. Hindi naman nito magawang iwanan ang kinaroroonan upang sundan sa CR ang dalawang kasamahan, upang tiyakin kung ano na ba talaga ang nangyari sa mga ito.
Maya-maya ay dumating ang isang duktora upang tsitsekapin si Mayor Benedicto. Inilabas ni Garcia ang susi, binuksan ang pintuan ng ICU. Pero pagbaling niya upang papasukin ang duktora, nakangiti ito sa kanya at may hawak na itong kuwerdas ng gitara. Hindi na nagawang pang bunutin ni Garcia ang kanyang baril, sa pamamagitan ng walang awang pambibigti sa leeg, tinapos na siya ng nagpapanggap na duktora.
Wala nang sagabal, at wala nang hadlang. Puwedeng-puwede nang isakatuparan ang misyon. Misyon kapag napatagumpayan at tiyak na ikatutuwa.
Bitbit ang desilencer na 9mm pistol, mabilisan na ngang pinasok ng nagpapanggap na duktora ang kinaroroonan ng lilikidahing matanda.
Sa ulo niya bibirahin si Mayor Benedicto, para isang bala lang tiyak na butas ang bungo nito, at tiyak na sabog ang utak.
Halos pitik na lang ng isang sandali at kakalabitin na niya ang gatilyo ng kanyang hawak na desilencer na 9mm pistol, at nang narinig niya ang malakas na sigaw mula sa kanyang likuran.
"Bitiwan mo ang baril mo!"
Napalingon siya.
itutuloy...
Posted at Wednesday, July 29, 2015
"Ang Suspek"
written by Jondel Lijares
Kaagad naman nag-conduct ng preliminary investigation si P/Inspt. Victor Reyes sa nangyaring karahasan.
Headline sa iba't-ibang pahayagan ang insidentieng sinapit ni Mayor Benedicto, ang alkalde ng lungsod ng La Carlota. Halos oras-oras, parang tsismis na ikinakalat ng iba't-ibang istasyon ng radyo at telebisyon ang nasabing balita.
Ayon sa ulat ni Eric Magbanua ng Aksyon Radyo, kritikal ang kalagayan ngayon ng Mayor sa ICU dahil sa mga tanamo ng mahigit dalawampung tama ng sharpnels sa iba't-ibang bahagi ng katawan nito at kasalukuyang ngayong inu-obserbahan ng mga duktor sa Doctors Hospital.
Sa footage naman ng TV Patrol Negros, sa ulat ni Romeo Subaldo, sa scene, ipinakita ang kalagayan ni Mayor Benedicto sa pagamutan. Balut na balot ng benda ang matanda. Kung anu-anong modern medical instrument ang nakasabit sa buong katawan nito. At ayon sa isang duktor, and with in forty-eight hours at kung hindi pa daw nagbago ang kondisyon ni Mayor... isa lang daw ang kanyang babagsakan. Coma!
Napasama sa asawa at sa tatlong anak na babae ni Mayor Benedicto ang sinabi ng duktor. Iyak lang ang mga ito ng iyak habang awang-awang pinagmamasdan sa salaming dingding ng ICU ang pasyente.
Samantala, sa preliminary investigation, lumitaw na dakong alas otso kuwarentay- singko ng umaga, isang hindi kilalang nakasombrerong babae ang namataan ng CCTV na nakatoka sa ikalawang palapag ng City Hall. Di umano ay talagang kahina-hinala ang mga ikinikilos ng nasabing babae habang bitbit nito ang kahon ng regalo, na hinalang bomba ang laman.
Pumasok ang babae sa opisina ni Mayor Benedicto, at ilang saglit ay lumabas din ito, at pasimpleng palakad patungo sa hagdan.
Ensaktong alas noybe din ng umagang iyon, pumasok si Mayor Benedicto sa kanyang opisina, at ilang minutong lumipas, isang pagsabog na ang naganap, kasunod niyon ay ang biglang paglabo ng scene na kuha ng CCTV, na pinapanood ng mga kapulisan.
"Walang duda, talagang target niya si Mayor!" ang sabi ni P/Inspt. Victor Reyes sa kanyang mga kasama.
Sa pamamagitan ng mother computer, isa-isa tiningnan ni Victor ang litrato ng mga most wanted criminals sa negros at nagbasakaling makikita niya ang babaeng nasa CCTV. Pero, nabigo siya na makilala iyon, wala sa mga litratong nasa computer.
Malaking problema sa isip ni Victor ang babaeng iyon. Tiyak na baguhan pa lang ang nasabing bomber, at isang babae pa, kaya wala pang record. Gayunman, may kutob si Victor na ito ay isang professional killer. Isang bomb specialist. Base kasi sa nakuha nilang mga fragments, ang bombang ginamit ay isang uri ng online explosive bomb devise, na ginagamitan ng mobile phone.
itutuloy...
Posted at Monday, July 27, 2015
"Ang Mayor"
written by Jondel Lijares
Araw ng Lunes nang umagang iyon, pagpasok ni Mayor Benedicto sa kanyang opisina, isang kahon ng regalo ang kanyang dinatnan sa ibabaw ng kanyang mesa.
Katamtaman ang laki ng nasabing kahon. Kombinasyon ng puti at pilak ang kulay ng wrapper nito. Kumpleto sa borloloy, gaya ng ribbon at tarheta. At kung pagmamasdan, talagang napaka-espesyal ang laman ng regalo.
Napaisip tuloy ang matanda. Bakit siya bibigyan ng regalo nang araw na iyon sapangkat wala namang espesyal na okasyon. Sa October pa ang kanyang kaarawan, at sa December pa ang wedding anniversary nila ng kanyang asawa.
Dinampot ng matanda ang kahon ng regalong iyon. Binasa niya ang nakasulat sa tarheta. Pero, bigla siyang pinanlakihan ng mga mata nang basahin niya ang mga letra sa tarheta.
"MALIGAYANG PAGLALAKBAY SA EMPERNO, MAYOR BENEDICTO". Ito ang nakasulat sa tarheta.
Nagulat ang matanda. Walang nakalagay kung sino ang nagpadala. Pero may narinig siyang mahinang TIK-TAK mula sa loob ng kahon. Kaagad nasakyan ni Mayor Benedicto kung ano ang laman ng kahon.
Bomba!
Isang malakas na pagsabog ang umaalingawngaw at yumanig sa buong gusali ng City Hall.
Nakagulo kaagad ang mga tao sa labas. Sa pagkabigla ay nataranta ang lahat, ang iba ay nag-panic at ang iba naman ay natakot.
Mula sa ikalawang palapag ng City Hall ay natanaw ang maitim na usok.
Maraming sugatan at nasawi sa nasabing pagsabog.
Ilang minutong lumipas, kasabay dumating ang mga fire truck at ambulansya. Eksaktong dumarating din ang mga kapulisan, isa na dito si P/Inspt. Victor Reyes na palundag itong bumaba sa kanyang sinasakyang dyep. Pagkatapos, hangos na sa loob ng City Hall.
Si Mayor Benedicto kaagad ang unang pumasok sa isipan ni Victor. Takbo na ito paakyat sa hagdan.
Wasak ang ilang bahagi ng ikalawang palapag ng gusali kung saan nandoon ang opisina ni Mayor Benedicto.
Nakabulagta sa dakong unahan si Mayor nang datnan ni Victor. Sugatan ang matanda. Duguan, at tadtad ng tama ng shrapnels ang buong katawan nito.
Kaagad pinulsuhan ni Victor ang Mayor. Buhay pa ang matanda. Humihinga pa. Pero, mahinang- mahina na ang tibok ng puso nito. Halos ayaw nang pumitik ang maliliit na pulsu-pulsuhan.
"Ihanda ang ambulansya!" ang utos ni Victor sa ilan niyang kasamahan.
At mabilis na ngang isinugod sa pagamutan si Mayor benedicto.
itutuloy...
Posted at Friday, July 24, 2015
Facebook
Twitter