Latest
Advertisement
Pinoy Blogger
Pagoda sa ilog sa Bocaue, Bulacan muling lumayag matapos ang 21 taon.
Posted in TambayanNiJondelPH.blogspot.comPosted at Sunday, July 6, 2014
6:14 PM
Pagoda sa ilog sa Bocaue, Bulacan muling lumayag matapos ang 21 taon.
Alas-11:28 kaninang umaga nang umarangkada ang pagoda lulan ang mga deboto, tanda ng muling pagbuhay ng tradisyunal na fluvial parade para sa kapistahan ng Mahal na Krus sa Wawa.
Higit dalawang dekada ring itinigil ng bayan ng Bocaue ang paglalayag ng pagoda dahil sa nangyaring trahedya.
Hulyo 2, 1993 nang lumubog ang pagoda at malunod ang may 226 na indibidwal.
Mula nang trahedya, tanging mga maliliit na balsa lamang lulan ang Krus ng Wawa ang nasa fluvial parade at hindi nagsasakay ng mga deboto.
Sa kauna-unahang pagkakaton, pumaradang muli ngayong taon ang pagoda na may sakay na mga tao.
Nasa 250 indibidwal ang pinayagang makasakay sa pagoda, kahit pa may 600-katao itong kapasidad.
May tatlong palapag ang pagoda, na nakapatong malalaking barge at pinalamutian ng makukulay na dekorasyon.
Pinagsuot ang mga sumakay ng pagoda ng life vest para sa kaligtasan ng mga ito.
Iba't ibang uri rin ng bangka ang nakasunod sa pagoda at nakikiisa sa parada tulad ng pangisda, speedboat at maging jetski.
May kanya-kanyang dalang tabo at nagsasaboy ng tubig ang mga nakikiisa sa parada.
Nag-iikot ang pagoda mula Barangay Bambang, tinahak ang ilog patungong Poblacion at papalakaya pabalik ng Bambang at ibababa sa kapilya sa lugar.
Bilang hakbang-pangkaligtasan, may mga medical support team na nakasakay sa maliliit na bangka na sumusunod sa maglalayag na pagoda.
Nakaantabay rin ang mga rescue team mula BFP, PCG, maging sa PNP at PH Army.
Ang piyesta ay bilang pagbibigay-pugay umano sa Krus ng Wawa na nalambat ng isang mangingisda sa ilog ng Bocaue noong 1800.