Dalawang linggo bago ang pagdiriwang sa kapistahan ni Nuestra Senora de Penafrancia, isang ina sa bayan sa Tuguegarao ang nakatanggap umano ng himala galing sa Patrona ng Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Caceres Communications Commission Head, Fr. Louie Occiano, sinabi nito na kahapon ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Darnette Taguba mula sa Tuguegarao.
Ibinalita aniya nito sa kanya na matapos siyang manalangin sa pilgrim image ni Ina ay nagdadalang tao na ang kanyang anak na si Tatiana Sheena Jann Taguba Haydar.
Nabatid na dumalo sa isinagawang Marriane Voyage ng Archdiocese of Caceres sa naturang lalawigan si Taguba ilang buwan na ang nakararaan kasama ang kaniyang anak na tatlong taon nang may asawa ngunit hindi pa rin nagbubuntis.
Lumapit aniya sa kanila ang mag-ina upang humingi ng tulong kung kaya pinayuhan niyang manalangin kay Ina na sila'y pagkalooban ng supling.
Dahil sa malakas na pananalig sa Birheng Penafrancia hindi naging imposible na matupad ang kanilang matagal ng panalangin.
Matapos ang pangyayari, dumami aniya ang nagpupunta ngayon sa Basilica Minore kung saan nananatili ang imahe ni Ina para magdasal din at humingi ng parehong biyaya. | via@BomboRadyoNaga