Tanging si Asia's 1st Grandmaster Eugene Torre ang nagtala ng panalo sa kanyang pagbabalik sa board 3 makalipas ang 2 round na pahinga.
Tinalo ni Torre ang Canadian International Master Leonid Gerzhoy. Habang ang Canada ay bumawi sa board 4 sa pamamagitan ni GM Bator Sambuev kung saan pinalasap ng unang pagkatalo ang Team Captain na si GM Jayson Gonzales.
Nai-draw naman ng Pilipinas ang laro sa top board sa game ni GM Julio Sadorra at sa board 2 player na si GM John Paul Gomez .
Dahil dito nagtapos ang Pilipinas sa kampanya sa Olimpiada bilang ika-46 na pwesto mula sa halos 200 mga bansa.
Ang Pilipinas ay seeded number 52, habang ang Canada naman ay seeded number 37 kung saan nagtapos ito sa torneyo bilang pang-54th place.
Kung tutuusin tie-ang Pilipinas mula sa 35th hanggang 60th place na binubuo ng 26 na mga bansa na parehong may 13 points.
Pero ang mga tabla ay idinaan sa sistema ng tie break o matchpoints para makuha ang final placings.
Target sana na makapwesto mula pang-20 hanggang ika-30 pwesto ang koponan subalit nagkaroon ng iskandalo sa paglipat ng Pinoy Supergrandmaster na si Wesley So sa chess federation ng Amerika.
Si Wesley na pang 12-pwesto sa mga grandmasters sa buong mundo sa latest FIDE rating ay nagsilbing coach ng US men's at women's team sa Chess Olympiad sa Norway.
Samantala, sa unang pagkakataon ay nagkampeon ang team ng China para sa gold medal na nakatipon ng kabuuang 19 points.
Sumusunod naman ang mga powerhouse teams ng Hungary, India, ang seeded number 1 na Russia, Azerbaijan, Ukraine, Cuba, Armenia, Israel at number 10 ang Spain.
Ang seeded number 6 na USA ay nasa pang-14 na pwesto, habang ang host Norway kung saan naglaro ang world's No.1 grandmaster na si Magnus Carlsen ay nasa pang 29 na pwesto.
Kung hindi pa rin nakukuha ng Russia ang korona sa open section, ang women's team naman ay naibulsa ang kampeonato na sinusundan ng China.
Habang ang Philippine women's team na seeded number 43 ay lumagpak sa ika-64 na pwesto sa pagtatapos ng ika-apat na pinakamalaking sporting event sa mundo. report from BomboRadyo.com