Nakasungkit ang Pilipinas ang siyam na medalya sa ika-76 Singapore Open Track and Field Championships na ginanap Agosto 23 at 24 sa sa Choa Chu Kang Stadium sa Singapore.
Sa pangunguna ni two-time Olympian Marestella Torres, pinataob niya ang mga kalabang sina Noor Amira Nafiah ng Malaysia at walong iba pa mula Asya para masungkit ang gintong medalya sa women's long jump event na may talang 6.45m.
Bagamat nabigo sa itinakdang trial ng POC-PSC Asian Games Task Force noong Agosto 9, kinumpirma ni Torres na kabilang siya sa delegasyon ng Pilipinas sa Asian Games matapos ang kanyang pagkakapanalo sa Singapore Open.
Sa unang araw ng laban, nakapag-uwi rin ng dalawang ginto sina Eric Shauwn Cray sa men's 400m hurdles (51.60 sec) at Christopher Ulboc sa men's 3000m steeplechase (9:16.51 sec).
Nagdagdag ng gintong medalya si Archand Christian Bagsit sa men's 400m dash na nagtapos sa 47.77 habang pumangalawa si Edgardo Alejan Jr. na may 47.79 segundo.
Ikinatuwa naman ni double SEA Games gold medalist Bagsit ang talang 46.90 segundo na kanyang personal best at pagkakalagpas sa SEA Games Gold standard sa heats.
Nakakuha rin ng silver si Cray sa 100m dash (10.66 sec) at ang koponan ng 4x400-meter men's relay team na sina Bagsit, Alejan, Julius Nierras at Isidro del Prado Jr. (3:11.67)
Pumangalawa ang 19-anyos na national record holder na si Ernest John Obiena sa men's pole vault (5.20m) habang bronze ang naiuwi ng beteranong si Henry Dagmil sa men's long jump (7.56m).
Nakalaban nila ang iba't ibang team mula sa Asya gaya ng South Korea, Japan, Vietnam, Myanmar, Sri Lanka Malaysia, Chinese Taipei, Thailand, Hong Kong, Laos, Kuwait, Singapore, Indonesia at iba pa.
Pumangatlo ang Pilipinas sa overall standing kung saan nanguna ang South Korea at Japan.
Sunod na paghahandaan ng mga miyembro ng national track and field team ang nalalapit na 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea ngayong Setyembre. | via@ABS-CBNnews.com; Contributed by Roanne Beltran