Nadiskubre ng mga scientist gamit ang Kepler telescope ng National Aeronautics and Space Administration o NASA ang isang planeta malapit sa solar system na "close match" sa ating daigdig.
Sa inisyal na mga pag-aaral, mainam din ang lugar para panirahan, ngunit ang tanging problema umano ay masyado itong malaki. Ang planeta ay nasa gitna ng tinatawag ng mga astronomers na "Goldilocks zone."
Sa Goldilocks zone, hindi masyadong mainit at hindi rin matindi ang lamig at ang tubig ay hindi kumukulo o nagyeyelo habang ang temperatura ay nasa 22 degrees Celsius.
Ito ang kauna-unahang planeta na nadiskubre ng Kepler telescope ng NASA, na puwedeng pamuhayan.
Ang bagong planeta na pinangalanang Kepler-22b ay may mga katangian na pareho sa mundo.
Umiikot ito sa star na maaari umanong kambal din ng araw at halos kapareho rin ng distansiya.
Ang isang taon ng Kepler-22b ay 290 araw na hindi malayo sa 365 days ng Earth at malaki ang posibilidad na may tubig at mga bato sa kakatuklas pa lang na planeta. Pero ito ay dalawang beses na mas malaki kaysa Earth kaya malaki raw ang posibilidad na para itong Neptune kung saan malaking bahagi ay dagat.
Ngayon pa lang ini-imagine na sa posibilidad na maaaring manirahan ang mga tao sa nasabing planeta.
Susubukan ng mga eksperto na sukatin ang eksaktong laki ng planeta, sa susunod na taon.
Sa layo ng planeta, aabutin ng 22 milyong taon bago ito maabot kung gagamit ng space
shuttle.
Tatlong sightings ng planeta ang kinailangan ng NASA upang makumpirma ang planeta.