GoodNews, bukod sa libreng pamamasyal ay may libreng WiFi na rin sa palibot ng Rizal Park sa Luneta. Partikular sa bahagi ng Monumento ni Rizal, Fountain at Quirino Grandstand.
Hindi naman lahat ng uri ng brand ng cellphone ay maaring makakonekta o makasagap ng WiFi na may pangalang ‘FREE WIFI PH’ dahil tanging ang LG lamang umano ang nakakonek.
Ayon sa DOST Information and Communication Technology Office, available ang free WiFi sa Rizal Park mula Taft hanggang Roxas Blvd. at sa Quirino Grandstand.
Nabatid na pilot site o Alpha Launch Test pa lamang ng free WiFi project ang Luneta.
Sa pamamagitan umano nito ay mas mapapag-aaralan pa ng ICT Office at DOST ang mga sistemang dapat gawin.
Kaya naman umano ng free-WiFi ang hanggang 100,000 users nang sabay-sabay kapag naging fully-operational na ito.
May hotspots din sa Quezon City Hall, PHILCOA, Social Security System, at LTO sa Quezon City.

Samantala, may negatibong reaksiyon ang ilang mamamayan sa pagkakaroon ng ‘free internet connection’ sa Luneta Park dahil maaaring magdulot pa ito ng panganib sa mga namamasyal na magbubukas ng kanilang cellphone at iba pang katulad na gadget, sa kamay ng mga naglipanang snatcher at holdaper sa Maynila.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko at ng kapulisan na paboritong hang-out ng mga snatcher, mandurukot at holdaper ang Luneta, batay na rin sa dami ng mga naarestong suspek.