Bilang paghahanda sa huling State of the Nation Address ng Pangulong Benigno Aquino III ngayon araw, ika-27 ng Hulyo, binuo ng Philippine National Police ang Task Force Kapayapaan para sa seguridad sa paligid at sa mismong Batasan Complex kung saan gagawin ang SONA ni PNoy.
Nakahanda na rin ang pulisya sa inaasahang pagsugod ng mga militanteng grupo para sa kabi-kabilang kilos protesta sa Batasan maging sa ibang lugar sa Maynila.
Walong daang pulis ang ipapakalat sa mga lugar na madalas pagdausan ng mga kilos protesta partikular na sa Mendiola maging sa palibot ng Malakanyang.
Inilatag na rin ng Metro Manila Development Authority ang traffic rerouting scheme para sa mismong araw ng SONA ni PNoy.
Samantala, kasabay ng SONA ng pangulo, kanselado na ang mga klase sa lahat ng antas sa Quezon City.
Maging ang mga pasok ng mga pang-gabing klase at kinansela na rin.