"Ang Tatlong Pulis"
written by Jondel Lijares
Nasa Intensive Care Unit pa rin si Mayor Benedicto. Kritikal pa rin ang kanyang kalagayan. At walang katiyakan kung kailan ito magkakamalay.
Tatlong pulis ang naatasang magbantay kay Mayor Benedicto sa hospital nang gabing iyon.
"Dito lang muna kayo. Pupunta lang ako ng CR." ang pagpapaalam ni Purtos sa dalawa niyang kasama.
Beyinte minutos ang matuling lumipas, di pa bumalik si Purtos sa kanyang mga kasama. Si Rivero ay kinakabahan na at kinukutuban pa nang hindi maganda.
Singko minutos pa ang matuling lumipas. Wala pa rin si Purtos. Pasama na nang pasama ang kutob ni Rivero, hanggang napilitan na itong hanapin si Purtos, at naiwang mag-isa si Garcia sa labas ng ICU.
Pumasok si Rivero sa CR, hinanap niya si Purtos sapangkat wala roon.
Naisipan niyang buksan ang isang cubicle, wala rin doon.
Sa ikalawang cubicle, wala pa rin.
Sa ikatlong cubicle, may napansin ito sa toilet bowl. Mga patak ng sariwang dugo.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang puluhan ng caliber 45, bigla itong pinagpawisan sa noo. Hindi niya tiyak kung ang mga patak ng dugong iyon ay dugo ni Purtos, pero parang may boses na nagsasabi sa kanya na tama ang kanyang kutob, na nadale o nadisgrasya ang kanyang kasama.
May narinig siyang malakas na lagaslas ng tubig. May nag-flush ng toilet bowl sa ika-apat na cubicle. Walang sabi-sabi, ubos lakas nitong tinadyakan ang pintuan niyon. Natanggal ang sabat sa loob, puwersahang nabuksan. Pero pag-igik na lamang ang tanging nagawa ni Rivero sapangkat dalawang magkasunod na buga ng desilencer na 9mm pistol ang mabilis na sumalubong sa kanyang dibdib, humagis itong may malaking bulwang sa kanyang likod.
Bago tuluyang nalagutan ng hininga si Rivero sa nanlalabo nitong paningin, habang kikisay-kisay sa pagkakahandusay sa flooring, nasulyapan pa nito sa ilalim ng lavatory si Purtos. May tama ito sa ulo, dilat na dilat ang dalawang mata, at wala na nang buhay.
Samantala, panay sulyap ni Garcia sa suot na divers watch. Hindi pa rin kasi bumabalik ang dalawa niyang kasama. Hindi naman nito magawang iwanan ang kinaroroonan upang sundan sa CR ang dalawang kasamahan, upang tiyakin kung ano na ba talaga ang nangyari sa mga ito.
Maya-maya ay dumating ang isang duktora upang tsitsekapin si Mayor Benedicto. Inilabas ni Garcia ang susi, binuksan ang pintuan ng ICU. Pero pagbaling niya upang papasukin ang duktora, nakangiti ito sa kanya at may hawak na itong kuwerdas ng gitara. Hindi na nagawang pang bunutin ni Garcia ang kanyang baril, sa pamamagitan ng walang awang pambibigti sa leeg, tinapos na siya ng nagpapanggap na duktora.
Wala nang sagabal, at wala nang hadlang. Puwedeng-puwede nang isakatuparan ang misyon. Misyon kapag napatagumpayan at tiyak na ikatutuwa.
Bitbit ang desilencer na 9mm pistol, mabilisan na ngang pinasok ng nagpapanggap na duktora ang kinaroroonan ng lilikidahing matanda.
Sa ulo niya bibirahin si Mayor Benedicto, para isang bala lang tiyak na butas ang bungo nito, at tiyak na sabog ang utak.
Halos pitik na lang ng isang sandali at kakalabitin na niya ang gatilyo ng kanyang hawak na desilencer na 9mm pistol, at nang narinig niya ang malakas na sigaw mula sa kanyang likuran.
"Bitiwan mo ang baril mo!"
Napalingon siya.
itutuloy...