Inilabas na ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Nilagdaan ito nina Justice Secretary Leila De Lima, DOST Secretary Mario Montejo at DILG Undersecretary Edwin Enrile. Inumpisahang gawin ang IRR noong pang Pebrero 2014 matapos katigan ng Korte Suprema ang constitutionality ng nasabing batas. Lalong patitibayin ng IRR ang Cybercrime Prevention Act, o ang batas kontra sa mga krimeng gumagamit ng computer at Internet.
Narito ang mga pagkakasalang maaaring kasangkutan sa Cybercrime Prevention Act

Mga paglabag laban sa personal, integridad at paggamit ng mga sistema at datos na nasa kompyuter:
- Iligal na paggamit sa buo o bahagi ng sistema ng kumpyuter nang walang karampatang pahintulot
- Iligal na pagsagap ng anumang hindi pampublikong transmisyon ng datos ng kumpyuter mula o sa loob mismo ng kompyuter
- Panghihimasok sa mga datos gaya ng pagpapalit, paninira, o pagbura ng datos nang walang pahintulot, kasama ang pagpasok o paglipat ng virus
- Panghihimasok sa sistema ng kompyuter
- Cyber-squatting o ang pagkuha ng domain name sa internet para kumita, manggulo, manira, o pigilan ang iba sa pagrerehistro ng katulad na domain name
- Paggamit ng kasangkapan sa maling intensyon
Mga paglabag na may kinalaman sa kompyuter:
- Pamemeke gamit ang kompyuter (pagpasok, pagpapalit o pagbura ng mga datos) nang walang permiso na maaaring makabuo ng pekeng datos na may intensyong ituring itong tunay kung gagamitin sa ligal na dahilan
- Panloloko gamit ang kumpyuter (pagpasok, pagpapalit o pagbura ng mga datos, o panghihimasok sa gumaganang sistema ng kompyuter) na maaaring makapgdulot ng pagkasira nito
- Pagnanakaw ng pagkatao o identity theft o pagkuha, paggamit, paglipat, pag-angkin, pagpalit o pagbura sa mga impormasyong tumutukoy sa ibang tao gamit ang kompyuter
Mga paglabag na may kinalaman sa nilalaman:
- Cybersex o pagkasangkot, pagpapanatili, pagkontrol o pagpapatakbo ng anumang malaswang pagpapakita ng ari o gawaing sekswal gamit ang kompyuter
- Child pornography o iligal na gawaing tinutukoy at pinarurusahan ng Batas Republika bilang 9775, o ang Anti-child Pornography Act of 2009, gamit ang kompyuter
- Walang pahintulot na pagbibigay ng komunikasyong komersyal na nagbebenta ng produkto o nagpapatalastas nito
- Libelo o iligal na gawaing tinutukoy ng Aritkulo 355 ng Revised Penal Code
at iba pa...
- Pagtulong o pagpapahintulot sa paggawa ng cybercrime
- Pagtatangkang gumawa ng cybercrime
Mga parusa:
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa mga gawain ng cybercrime na binabanggit sa unang dalawang hanay ay may karampatang parusang prision mayor o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon, o pagmumultang hindi bababa sa Php 200,000 hanggang Php 500,000.
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa mga nabanggit sa unang hanay ay may karampatang parusang reclusion temporal o pagkakakulong ng labindalawang taon at isang araw hanggang dalawampung taon, o pagmumultang hindi bababa sa Php 500,000 hanggang sa pinakamalaking halaga katumbas ng nagawang abala o pinsala.
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa gawaing cybersex ay may karampatang parusang prision mayor o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon, o pagmumultang hindi bababa sa Php 200,000 subalit hindi hihigit sa isang milyong piso, o parehas na parusa.
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa gawaing child pornography ay may karampatang parusang kaakibat ng nakasaad sa Batas Republika bilang 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa gawaing walang pahintulot na pagbibigay ng kumunikasyong komersyal ay may karampatang parusang arresto mayor o pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, o pagmumultang hindi bababa sa Php 50,000 subali't hindi hihigit sa Php 250,000, o parehas na parusa.
- Sinumang mapatunayang nagkasala sa mga gawaing nakasaad sa huling hanay ay may karampatang parusang pagkakakulong na isang antas na mas mababa sa ibinibigay na parusa para sa gawain o pagmumultang hindi bababa sa Php 100,000 subali't hindi hihigit sa Php 500,000, o parehas na parusa.