Itinuturing na "triumph over adversity" ang panalo ng Filipino-Australian Golfer na si Jason Day sa katatapos na PGA Championships.

Hindi biro ang pinagdaanan ni Day bago narating ang kaniyang kinaroroonan ngayon. Si Day ang ika-limang Australian na nanalo ng PGA title at ika-12 na manalo ng major championship. Sa katatapos na tournament ay gumawa rin ng record sa majors si Day na 20-under sa kabuuan. Mistulang nabunutan ng tinik si Day nang makuha ang titulo.
Ayon kay Day, hindi na siya maituturing ngayon na magaling na golfer pero walang nakuhang major title.
Kaagad namang binati ng Australian sporting community si Day sa panalo. Pinuri ni two-time U.S. Open champion Greg Norman si Day sa pagiging bahagi ng elite club na kinabibilangan ng major winners.
Ayon sa golf legend na si Tiger Woods, masaya siya para kay Day na deserving aniya sa panalo.
Anim na taong gulang pa lamang si Day nang i-enroll siya ng amang si Alvin sa Beaudesert Golf Club. Ngunit 12 taong gulang pa lamang siya nang pumanaw ang kaniyang ama.
Sa batang edad ay nakipaglaban din si Day sa alcohol addiction. Nang pumanaw ang ama, mag-isang itinaguyod ng kaniyang Pinay na inang si Dening Day, ang golfer. Noong manalasa ang Super Typhoon Yolanda sa Pilipinas, walong miyembro ng pamilya ni Day ang namatay.
Sa gitna ng U.S. Open. nag-collapse si Day sa field dahil sa iniindang sakit. Bunsod ng mga karanasan, nagkakaisa ang mga Australian sa pagsasabing ang mga pinagdaanan ng Fil-Australian golfer ay naging susi para sa pagiging isang "true major champion" nito.