Ang sakit na Hand, Foot and Mouth Disease o HFMD ay isang karaniwang sakit sa mga sanggol at mga bata na dulot ng impeksyon ng virus. Dito’y dumaranas ng pamumula o pagsusugat sa bahagi ng bibig, mga kamay, at paa. Lubhang itong nakakahawa lalo na sa unang linggo ng pagkakasakit. At tulad din ng ibang sakit na dulot ng virus gaya ng bulutong at tigdas, ang HFMD ay walang lunas, bagkus ito ay kusang gumagaling matapos ang 10 araw ng pagkakasakit.

Ano ang pinagmumulan?:
Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay dulot ng ilang magkakaibang mikrobyo na bahagi ng grupong enterovirus, kasama ang
coxsackieviruses at enterovirus 71. Ang Coxsackievirus A16 ay ang kadalasang nagdudulot ng HFMD. Ang Enterovirus 71 ay nakapagdudulot ng malawakang pagkakaroon ng HFMD sa Asya. Sa panahaon ng pagdami ng HFMD dahil sa enterovirus 71, ang ilang pasyente ay nagkaroon ng malalang pagkakasakit.
Ano ang mga sintomas?:
Ang mga unang sintomas ng Hand, Foot and Mouth Disease ay kadalasan lagnat, masakit na lalamunan, walang gana sa pagkain, pakiramdam na may sakit (malaise). Isa hanggang dalawang araw matapos magsimula ang lagnat, may maliliit na mapulang tuldok ang tutubo sa bibig, sa loob ng pisngi, gilagid at dila. Ang mga tuldok ay maaaring maging paltos o ulser. Maaari ring magkaroon ng mga butlig sa balat, sa mga kamay, paa at puwit, at minsan pati na rin sa braso at hita. Ang butlig ay may kasamang nakatambok o hindi matambok na mga pulang tuldok o mga paltos. Hindi lahat nang mayroong HFMD ay nagkakaroon ng mga sintomas na ito. Kadalasan ang mga sintomas ng HFMD ay hindi malala at kusang nawawala sa loob ng 7 hanggang 10 araw. Subalit, sa ilang kakaibang kaso, ang HFMD ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon. Ang isang komplikasyon ay viral (aseptic) meningitis o meningitis dulot ng mikrobyo. Ang mga sintomas ng viral meningitis ay pananakit ng ulo, naninigas na leeg at lagnat. Ang mga tao na may viral meningitis minsan ay kailangang ma-ospital. Bibihira, ang HFMD ay makakapag-dulot ng encephalitis (pamamaga ng utak). Ang Encephalitis ay isang malalang sakit na maaaring makamatay.
Paano kumakalat?:
Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay madalas kumakalat sa pamamagitan ng paghawak sa dumi, uhog, plema, tubig ng paltos o laway ng apektadong tao. Ang mikrobyo ay napapasa kung ang hindi nahugasang kamay ng apektadong tao ay humawak sa ibang tao o nakapag-kontamina ng gamit. Ang mga mikrobyo na nagdudulot ng HFMD ay maaaring mabuhay ng mahabang panahon sa mga kagamitan. Ang taong may HFMD ay malakas makahawa sa unang linggo ng pagkakasakit ngunit maaaring maging nakakahawa pa rin kahit ilang linggo na nawala ang mga sintomas.
Paano ginagamot?:
Walang ispesipikong paggamot. Halos lahat ng bata na may HFMD ay gumagaling ng kusa. Ang mga tao na may HFMD ay dapat magpahinga o uminom ng mga likido upang maiwasan ang dehydration o panunuyo. Ang tagapag-alaga ng kalusugan ay maaari ring magrekomenda ng mga gamot upang makontrol ang lagnat at pananakit. Ang mga paltos sa bibig ay maaaring makadulot ng sakit at hirap sa paglunok at ang ilang bata ay maaaring ayaw uminom ng pluido dahil dito. Kung ang pagtanggi sa pag-inom ang makakadulot ng seryorong panunuyo, ang paggamot gamit ang mga intravenous fluid o dekstros ay maaaring kailanganin.
Paano maiiwasan?:
Lahat ng kasambahay na may HFMD ay dapat maghugas maigi ng kanilang mga kamay gamit ang sabon at tubig matapos gumamit ng banyo, magpalit ng lampin o makahipo ng uhog o plema, dumi o tubig ng paltos. Ang mga laruan at mga ibabaw ng kagamitan ay dapat mahugasan gamit ang sabon at tubig at linisin gamit ang solusyon na bleach (magdagdag ng ¼ tasang bleach sa isang galon na tubig). Ang mga bata na may HFMD ay dapat manatili sa bahay at huwag pumasok sa daycare o sa paaralan hangga’t hindi nawawala ang lagnat o ang mga singaw sa bibig ay gumaling. Ang mga matatanda na may sakit ay dapat huwag pumasok sa trabaho hangga't hindi nawawala ang mga sintomas.