Bawat taon ay daan-daan ang namamatay sa buong Pilipinas dahil sa sunog at libo-libo naman ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan. Marahil ang tanging pag-asa lamang para mabuhay sa sunog ay kung paano magiging alerto, mabilis at ligtas na makakalabas sa sunog.
Mula sa website ng Bureau of Fire Protection of the Philippines, ito ang ilan sa mga paraan upang maka-iwas sa sunog at kung paano mapoprotektahan ang sarili kung sakaling mangyari ito

Mga paraan upang maka-iwas sa sunog:
- Maglista ng mga numero ng telepono ng mga istasyon ng bumbero at ilagay ito malapit sa telepono o ilagay sa inyong cellphone.
- Ilagay sa mga tamang lalagyan ang mga bagay na mabilis pagmulan ng sunog at mga bagay na maaaring dumiklap. Linising mabuti ang buong kabahayan.
- Huwag hayaang paglaruan ng mga bata ang posporo at lighter.
- Huwag ilagay sa loob ng bahay ang mga bagay na madaling pagsimulan ng sunog tulad ng - gasolina at pintura.
- Huwag magsaksak ng maraming appliances sa iisang saksakan o outlet.
- Laging hugutin ang mga appliances na hindi ginagamit at gayunding ang mga cellphone at iba pang electronic gadgets matapos itong kargahan.
- Huwag iwanan ang isang nakasinding sigarilyo sapagkat maaari itong mahulog sa mga bagay na madaling dumiklap. Duruging mabuti ang sigarilyo bago ito iwanan o itapon sa basurahan. Huwag manigarilyo sa kama lalo na kapag lasing.
- Huwag ilagay ang lampara o kandila malapit sa kurtina. Huwag ilagay sa mga lugar na mahangin at maaaring maabot ng mga bata. Patayin ang sindi ng mga ito bago matulog.
- Patayin ang uling o baga bago umalis sa pinaglutuan. Gawing palagian ang pag-inspeksyon sa kusina bago matulog. Mas maraming sunog ang nagaganap sa gabi.
- Alisin ang mga basura, basahan at ibang mga patapong bagay sa bawat sulok ng bahay.
- Tanggalin ang mga dahon na naipon sa mga alulod ng bahay, ilang bahagi ng bubungan at kisame.
- Ang pagsunog ng mga basura ay dapat gawin malayo sa bahay. Bantayan ito at tapunan ng tubig bago iwanan.
- Huwag gumamit ng apoy bilang mga dekorasyon.
- Suriin kung may mga tagas o sira ang kalan at gasul. Gawing regular ang paglilinis nito.
Mga dapat gawin kapag napaso:
Maliit na paso
- Tanggalin ang damit sa napasong lugar.
- Ilublob ang nasunong na lugar sa maligamgam na tubig o dampian ng malamig na basahan. - Huwag gagamitan ng yelo.
- Balutin ang paso ng malinis na tela.
Malaking paso
- Tumawag ng tulong. Maaaring tumawag sa 117 o itakbo ang biktima sa pinakamalapit na ospital.
- Huwag tanggalin ang damit ng biktima. Huwag ilulublob sa malamig na tubig.
- Balutin ng malinis na damit o tela. Itaas ang paa at binti kung ito ay napaso din.
- Bigyan ng mouth-to-mouth resuscitation ang biktima kung hindi ito humihinga. Itaas ng patagilid ang baba, takpan ang ilong at hingahan ng dalawang beses. Ulitin: 1 hinga kada 5 segundo.
Pagkapaso dahil sa kemikal:
- Kaagad na tumawag ng tulong o itakbo ang biktima sa pinakamalapit na ospital.
- Kung malapit lamang sa nakapasong kemikal, basahin ang direksyon sa pagbibigay ng paunang-lunas. Itago ito upang ipakita sa tauhan ng ospital.
- Bago dumating ang hiningan ng tulong, tanggalin ang damit sa napasong lugar at basaing mabuti ito ng tubig.
Kailangan lamang ang matinding pag-iingat upang makaiwas tayo sa anumang sakuna. Dapat alamin ang mga tamang paraan sa pag-iwas upang hindi tayo gaanong mapinsala nito.