"Sagupaan"
written by Jondel Lijares
Si P/Inspt. Victor Reyes ang kanyang nakita na nakakuwadrado sa pintuan ng ICU, hawak ng dalawang kamay ang isang magnum 357.
Kung gugustuhin niya, kahit sa pagkakataong iyon ay puwedeng -puwede na niyang pasabugin ang ulo ni Mayor Benedicto. Isang kalabit lang sa gatilyo, isang bala lang iyon at tapos na ang kanyang misyon. Pero kaagad din naman niyang naisip, na oras na gawin niya ang ganoon ay tiyak na hindi na rin siya bubuhayin ng asintadong pulis.
"Ibaba ang baril mo!" ang utos ni Victor.
Napilitang ibaba niya ang kanyang baril.
"Itaas mo ang kamay mo!"
Kumilos nga siya, itinaas ang dalawang kamay.
Alerto, buong ingat, at dahan-dahan itong nilapitan ni Victor ang babae. Ang balak ni Victor, poposasan niya ang babaeng killer na nagpapanggap ng duktora, dadalhin sa presinto, iimbestigahan at kukuwestiyunin kung bakit gusto nitong iligpit si Mayor Benedicto.
Pero iyon lang pala ang pagkakataong hinihintay ng babaeng killer. Isang malakas na siko ang pinakawalan nito, yanig sa dibdib ni Victor at barandal sa tapat na kama ni Mayor Benedicto, nabitiwan ang hawak na magnum 357 at posas. Pero kaagad ding nakabangon.
"Gusto mo akong subukan?" ang naghahamong sabi ni Victor. " Puwes magkakasubukan tayo!"
"Pagbibigyan kita!" ang matapang ding naghahamong sabi ng babae.
Manu-manong bakbakan ang sumunod nang mga oras na iyon. At Palibhasa ay parehong martial arts expert ang dalawang magkatunggali, nagmistulang kickboxing arena ang loob ng ICU.
Suntok, sipa. Depensa, opensa. Kapag nasasapol si Victor, nasasapol din ang babae. Kapag humahagis at bumabarandal si Victor, humahagis at bumabarandal din ang babae.
Matira ang matibay sa labanang iyon. Galing sa galing ang pinag-uusapan. Bawat isa ay hindi magpapatalo, bawat isa ay hindi magpapalupig.
Hindi makapaniwala si Victor na isang killer ang kanyang nakalaban, dahil sa maganda ito. Ang totoo niyan ay nahihirapan siyang idepensa ang kanyang sarili, talagang magaling sa martial arts ang babae.
Bagama't napakagandang babae ay talo pa ang tinig ng isang maskuladong lalaki. Naglilintugan ang mga braso at binti nito. Puro muscles. Sa kaanyuang iyon, masasabing ito ay isang babaeng barbelista.
Kaagad natumbok ni Victor na ang babaeng kanyang kaharap at ang babaeng suspek sa naturang pagsabog sa opisina ni Mayor Benedicto ay iisa lamang. Tandang- tanda pa niya ang mukha ng babae na kuha ng CCTV, ito din ang babaeng kanyang tinutugis ngayon.
Kapag humahagis at bumabarandal si Victor, humahagis at bumabarandal din ang babaeng killer. Matira ang matibay. Bawat isa ay hindi magpapatalo, bawat isa ay hindi magpapalupig.
Hanggang naispatan ng babae ang kanyang desilencer na 9mm pistol, at naispatan din ni Victor ang kanyang magnum 357, halos kasabay ang dalawa na dinamba ang kinaroroonan ng kani-kanilang sandata, at halos kasabay ding nadampot.
Nagkatutukan ang dalawa, hanggang nagkaputukan.
itutuloy...