Ipinagmamalaki ng mga Bicolano ang isang mag-aaral ng Unibersidad of Bicol na si Mike Reniebo, 19-anyos, matapos na maging patok sa mga gamers sa iba't ibang bahagi ng mundo ang kanyang dinevelop na computer game.
Hanggang ngayon ay halos 'di pa rin siya makapaniwala sa nagiging tagumpay ng kanyang laro na "Dungeon Souls" kung saan nakakuha na ito ng mahigit sa 24,000 na download at mga positibong reviews.

Sa katunayan, sa unang buwan ng pagkaka-publish ng kanyang laro, kumita na agad ito ng P6 million at patuloy pang nadadagdagan sa pagdami ng mga nagda-download nito.
Inamin nito na nagsimula lang naman sa isang libangan an pagbuo niya sa nasabing laro nitong buwan ng Marso at kanya itong in-upload sa isang American-based website at dito na nga nakakuha ito ng atensyon ng kanyang mga kapwa gamer.
Hindi nagtagal, mismong ang developer ng naturang website ang nag-offer sa kanya na maging publisher ng kanyang dinevelop na laro.