Nakiusap ngayon sa publiko si Comelec Spokesman James Jimenez na huwag munang husgahan ang mga kandidato bilang "nuisance" kahit hindi sila gaanong popular.
Kalat na kalat kasi sa internet ang nasabing bansag sa mga hindi sikat na naghahain ng certificate of candidacy o CoC.
Giit ng opisyal, maling mali na husgahan ang isang tao dahil lamang sa nilalaman ng kaniyang CoC.
Kabilang sa mga naghain ng COC sa pagka-Pangulo ay si Romeo Ygonia na nagpapakilala pang siya raw si "Archangel Lucifer." Inutusan daw siya ng kaniyang master para pamunuan ang Pilipinas.
Habang si Arilla ay nangako namang magtatayo ng absolute monarchy na sistema ng gobyerno na aniya ay mayroong "unlimited power from God".
Si Victor Quijano naman na isang chemical engineer, isusulong niya ang federal system sa gobyerno.
At iba pang mga di kilalang personalidad na naghain ng Coc sa pagka-pangulo ay sina Ephraim Defiño, Businessman David Alimorong, Engineer Ralph Masloff, Lawyer Camilo Sabio, Freddiesher Llamas, Danilo Lihay-Lihay, Sel Hope Kang, Retired AFP officer Adolfo Inductivo, Ferdinand Jose Pijao, Ramon Concepcion, Ferdinan Fortes, Eric Negapatan Gerald Arcega, Taxi driver Alejandro Ignacio, Arturo Pacheco, Gerald Arcega, Sultan Muhammad Issa at Rizalito David na petitioner sa citizenship issue ni Sen. Grace Poe.
Matatandaang nakarating pa sa Senate Electoral Tribunal o SET ang hirit na ito ni David at sa kasalukuyan ay wala pang pinal na desisyon ukol dito.
Muli namang nilinaw ng Comelec na wala pa silang tinutukoy na "nuisance candidates" dahil dadaan pa ito sa maingat na deliberasyon at pagpapasyahan sa buwan ng Disyembre.